Pakikidigma Laban sa Droga, Saan na nga ba Napunta?

Tumigil ang mundo nang mahalal bilang pangulo si Rodrigo Duterte. Madami ang natuwa, may konting nainis, at meron di namang mga pinoy na walang pakialam (kasama ako, hindi ako botante).

Una sa mga plataporma ng ating pangulo ay ang pag-sugpo ng ilegal na droga dito sa ating bansa - pag-sugpo sa pamamagitan ng pagpatay sa mga durugista at mga tulak.

Sa kasalukuyan, meron lang namang pitong-libong taong napatay na "hinihinalang" tulak o gumagamit ng droga (panahon na siguro para mag-tayo ako ng punenarya, sigurado titiba ako ng pera) at sabi ng ating mga dakilang pulis na matagumpay ang kampanya laban sa ilegal na droga.

Ang tanong: Paano naging tagumpay at ano ang basehan?

Naranasan kong tumira sa isang komunindad na pinagkukutaan ng mga adik at tulak, ang iba ay kaibigan ko pa. Yung isa nadali ng tokhang at namaalam na.

Nanahimik ang lugar na yon ng mga ilang linggo, pero pagkatapos nagdidiwang na ulit yung mga adik at tulak na ang iba ay dating kong' bully kasi wala nang mga pulis na rumoronda sa mga kalsada.

May taong namatay, nasaksihan ng nakararaming tao, at nag-silbing aral sa mga kabataang nag-iisip at natutuksong tumikim ng shabu o marijuana. Oo nag-silbing aral - nang mga ilang linggo.

Pagkatapos ayun. Yung kababata kong adik, adik padin.

Kaya ang tanong, saan na napunta ang pakikidigma natin laban sa droga? Pagpatay ba ang tamang paraan?

Hindi ako magpapaka-ipokrito, kahit wala akong pakialam sa nakaraang eleksyon, may maliit na parte sa likod ng utak ko na natuwa ng beri, beri layt sa pagkapanalo ni DU30.

Sabi ko sa sarili ko, "Ayon, kahit papano mas maayos to sa mga nag-daang presidente"

Maayos naman.

Pero napa-isip ako bigla nung pumutok ang balita sa pagkakapatay sa 17-anyos na poging si Kian Loyd Delos Santos sa Caloocan.

Nag-wala yung mga tao, lahat ng mga aktibistang bumabatikos sa drug war ni DU30 nagkaisa. Rally dito, rally doon.

Natanong ko sa sarili ko, papano kung isa sa mga kapamilya ko ang nadamay? Wala namang adik samin (adik sa DOTA meron). Kaya natanong ko din kung saan na nga ba tayo sa pakikidigma natin sa droga.

Panahon na ba para mag-isip ng panibagong stratehiya? O tanggapin na lang ang katotohanan na parte na ng lipunan natin ang ilegal na droga?

Mabilis mapagod ang utak ko sa problem solving lalo na sa Mathematics, pero sa usaping ito, hindi matigil ang bungo ko kakaisip kung ano na ba talaga ang kinalabasan ng ating kampanya laban sa droga.

Ang tanging hiling ko na lang kay bathala na sana ay protektahan ako at ang mga mahal ko sa buhay laban sa mga pulis na walang ginawa kundi magbintang.

Dyan sila magaling diba'?

Hindi ako naniniwala na lahat ng mga napatay ay durugista o tulak. Yung' iba dyan magbobote, guro, estudyante, musmos, balerina, sapatero, pedicab driver, at kung ano-ano pa. Pero walang drogang nananalaytay sa dugo nila.

Kaya para sa ating kinauukulan, sana po'y magkaroon tayo ng iba pang stratehiya maliban sa pagpatay sa mga durugista at tulak.

Sa mga makakabasa nito' at may balak makipag argumento, kalabanin mo sarili mo kasi hindi ako sasagot sayo'.

Comments